Subsidiya para sa maaapektuhan ng dagdag-singil sa langis bunsod ng excise tax, inihahanda ng DOE

by Radyo La Verdad | December 20, 2017 (Wednesday) | 1942

Mahigit sa dalawa hanggang pitong piso ang madaragdag sa singil sa diesel at gasolina pagpasok ng taong 2018, ito ay dahil sa excise tax sa mga produktong petrolyo na kabilang sa bagong tax reform package na ipinasa ng Kongreso at nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa Department of Energy, isang  Inter-Agency Task Force ang bubuuin upang tulungan ang mga kababayan nating lubhang maapektuhan ng dagdag singil.

Isa na dito ang mga voucher na para sa mga public utility driver, katulad umano ito ng Pantawid Pasada Program noon na magsisilbi bilang subsidiya. Magkakaloob din ng discount sa gasolina ang DOE para sa mga kwalipikadong indibidwal.

Suportado ng DOE ang tax reform package ng administrasyon dahil dito kukunin ang pagpapagawa ng mas maraming imprastraktura at ibang proyekto ng pamahalaan upang mapaunlad ang buhay ng mga Pilipino.

Bukod sa dagdag presyo sa gasolina, magkakaroon rin ng dagdag presyo sa mga sugar-sweetened beverages at dagdag buwis sa coal na maaaring makaapekto sa presyo ng ilang mga bilihin.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,