Subsidiya ng gobyerno sa mga magsasaka, papalitan ng programa sa pautang

by Radyo La Verdad | May 25, 2018 (Friday) | 5053

Libreng binhi at pataba; ilang lamang ito sa mga ipinamimigay o subsidiya ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka.

Pero ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, unti-unti na nila itong aalisin at papalitan ng programa sa pautang. Nagiging daan lamang aniya ng kurapsyon ang subsidiya at ang mga supporter lamang ng ilang pulitiko ang napapaboran dito.

Umaabot niya sa 40 bilyong piso ang nagagastos ng gobyerno dito at hindi na bumabalik.

Ayon sa kalihim, naglaan na sila ng mas malaking budget para sa programa sa pautang sa mga magsasaka at ito na mismo ang makapipili ng gusto niyang klase ng binhi, pataba o maging gamit sa pagsasaka.

Sa datos ng DA, nasa 96% ang balik ngayon ng mga naipautang ng kagawaran sa pamamagitang ng easy access loan sa bangko na hindi nangangailangan ng maraming requirements.

Ipapanukala naman ni Piñol kay Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin na rin sa loan program ang P70B pondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s).

Imbes aniya na ibigay lang ng libre sa mga benipisyaryo ay ipautang ito bilang puhunan para mas makatulong din sa produksyon ng pagkain sa bansa gaya ng pag-aalaga ng baboy o pagtatanim ng gulay.

Ayon sa kalihim, nagiging tamad na rin ang mga magsasaka sa mga kanayunan dahil sa 4P’s.

Sinisikap pa ng UNTV News na kunin ang panig ng DSWD hinggil dito.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,