Stock ng NFA rice, mauubos na pagdating ng Abril o Mayo – NFA

by Radyo La Verdad | February 20, 2018 (Tuesday) | 6813

Nangangamba ang National Food Authority dahil sa patuloy na pagkaunti ng supply ng NFA rice kung patuloy silang  lilimitahan ng NFA Council na mag-import ng bigas at pagbili ng P22 na palay.

Ayon kay NFA Administrator Jason Aquino, Oktubre palang noong nakaraang taon ay ginagawan na nila ito ng paraan pero hindi inaprubahan ng NFA Council ang kanilang mga rekomendasyon.

Ngayon, kaunti na ang supply ng murang bigas, importasyon ang agarang solusyong nakikita ng NFA, pero hindi naman sang-ayon dito ang National Economic Development  Authority o NEDA.

Ayon naman kay Department of Agriculture Sec. Emmanuel Piñol, dapat maghinay-hinay sa pag-iimport ng bigas dahil hindi naman nakikinabang dito ang mga magsasaka kundi ang mga negosyante lamang.

Isa sa nakikitang long term solution ni Piñol ay ang  makarating sa merkado ang mga produkto ng mga magsasaka para lalong dumami ang supply ng bigas at bababa pa ang presyo nito.

Sa ngayon, pinadali na ng DA ang proseso ng pautang sa mga magsasaka. Maaari na silang umutang ng hanggang 50 libong piso na para magamit na puhunan sa pagsasaka.

Samantala, kinuwestiyon naman ni Butil Partylist Rep. Cecilla Chavez ang kumposisyon ng NFA Council dahil iisa lang daw ang representating magsasaka doon.

Samantala, 13 rice traders na umanoy nagho-hoard ng bigas sa Metro Manila ang pinangalanan sa pagdinig ng House Committee on Agriculture.

Ipatatawag ang mga ito sa susunod na pagdinig ng kumite upang pagpaliwanagin.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,