METRO MANILA – Inilabas ng Special Task Force (STF) Degamo ang partisipasyon ng 11 suspek na hawak ngayong ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Mula sa CCTV footage na nakuha sa crime scene, ipinakita ng mga ito kung sino ang mga pumasok sa bahay at bumaril sa gobernador.
Hawak na rin ng NBI ang nagplano at nag recruit ng mga gunmen na syang papatay kay Gov. Degamo.
Muling kinumpirma naman ni Justice Sec. Crispin Boying Remulla kung sino ang nag-utos kay Miranda para planuhin ang pagpatay.
Bagamat tukoy na ang mastermind sa krimen, hindi pa naman ito nasasampahan ng kaso kaugnay sa pagpatay kay Gov. Degamo.
Dagdag ng STF Degamo, politika ang mas matibay na nakikita nilang motibo sa pamamaslang sa gobernador.
Ayon naman sa abogado ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnie Teves na si Atty. Ferdinand Topacio, hindi na sila magko-komentaryo sa mga huling pahayag ni Remulla hinggil sa mambabatas.
Hihintayin na lang aniya nila ang anomang isasampang reklamo at sasagutin nila ito sa tamang forum.
Tags: Degamo Slay Case, PNP, STF