Stephen Curry ng Golden State, opisyal nang tinanghal na NBA MVP

by dennis | May 5, 2015 (Tuesday) | 7646
Stephen Curry (jersey no.30) photo credit: Reuters/Kyle Terada-USA TODAY
Stephen Curry (jersey no.30) photo credit: Reuters/Kyle Terada-USA TODAY

Opisyal nang tinanghal bilang Most Valuable Player ng National Basketball Association si Steph Curry ng Golden State Warriors.

Si Curry ang ikalawang Warrior na nagwagi ng naturang award mula nang makuha ni Wilt Chamberlain ang MVP trophy noong 1959-1960 season.

Nagtamo si Curry ng kabuuang 1,198 points kabilang ang 100 sa 130 first place votes mula sa panel ng 129 sportswriters at broadcasters sa U.S. at Canada kasama na rito ang fan votes sa NBA.com.

Samantala, pumangalawa naman sa MVP voting si James Harden ng Houston Rockets, ikatlo si Lebron James, kasunod si Russel Westbrook ng OKC Thunder at si Anthony Davis ng New Orleans Pelicans.

Malaki ang naiambag ni Curry sa kampanya ng Golden State nang magtala ang koponan ng franchise record na 67 wins kung saan nag-average ito ng 23.8 points per game, 7.7 assists, 2.04 steals at 4.3 rebounds kada laro.

Si Curry din ang may hawak ngayon ng NBA record na pinakamaraming three-point field goals sa isang season na nasa 286 three-pointers. Siya rin ang may pinakamataas na free throw percentage ngayong season na nasa 91.4 percent.

Tags: , , ,