Status quo order sa pagpapalibing kay dating Pangulong Marcos sa libingan ng mga bayani, inilabas ng SC

by Radyo La Verdad | August 24, 2016 (Wednesday) | 10709

IMAGE_UNTV-News_JUL052013_Theodore-Te
Pansamantalang pinatitigil ng Supreme Court ang preparasyon para sa pagpapalibing sa mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa libingan ng mga bayani.

Isang status quo order ang inilabas ng Korte Suprema, at epektibo ito sa loob ng 20 araw o hanggang sa September 12.

Ibig sabihin nito, hindi muna maaaring ipatupad ang memorandum ni Defense Secretary Delfin Lorenza na na nag-uutos na gawin ang kinakailangang paghahanda para sa libing ni Marcos.

Ikinatuwa ng mga petitioner ang naging hakbang na ito ng korte.

Ipinagpaliban naman ng Korte Suprema sa August 31, alas dyes ng umaga, ang nakatakda nang pagdinig sa oral arguments sa kaso ngayon araw.

Pinayagan din ng SC na i-livestream ang audio ng oral arguments.

Sa ngayon, anim na petisyon na ang natanggap ng Korte Suprema laban sa pagpapalibing kay Marcos sa libingan ng mga bayani.

Tinututulan ng mga petitioner ang pagpapalibing doon kay Marcos dahil hindi karapat dapat maituring na bayani.

Dati namang sinabi ni Pangulong Duterte na kwalipikadong mailibing doon si Marcos, hindi bilang bayani kundi bilang dating sundalo at pangulo ng bansa.

(Roderic Mendoza/UNTV Radio)

Tags: , ,