State visit ni Chinese President Xi Jinping sa Pilipinas, turning point sa kasaysayan ng 2 bansa- Malacañang

by Radyo La Verdad | November 20, 2018 (Tuesday) | 2636

Bago mag-alas-dose mamayang tanghali ang inaasahang pagdating sa Pilipinas ni Chinese President Xi Jinping mula sa state visit nito sa Brunei. Pinaunlakan ni President Xi ang paanyaya sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumisita sa bansa.

Ayon kay President Xi, layon ng kaniyang pagbisita sa Pilipinas ang magkaroon ng mas malalim na talakayan kay Pangulong Duterte hinggil sa pagpapaigting ng ugnayan ng dalawang bansa.

Sa ilalim ng Duterte administrasyon, bumalik sa normal ang relasyon ng Pilipinas at China matapos magkaroon ng tensyon dahil sa agawan ng teritoryo sa South China Sea.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang pagbisita ng Chinese top executive sa bansa ay isang turning point sa kasaysayan ng dalawang bansa.

Mamayang hapon ay pangungunahan ni President Xi ang wreath-laying ceremony sa bantayog ni Gat Jose Rizal sa Rizal Park. Isang welcome ceremony naman ang inihanda para sa kaniyang delegasyon sa Malacañang grounds.

Susundan ito ng bilateral meeting at sasaksihan ng dalawang lider ang pagpirma ng mga kasunduan sa pagitan ng dalawang pamahalaan.

Partikular na inaasahang pipirmahan ang mga agreement na may kinalaman sa commitment ng China sa mga infrastructure projects ng Duterte administration at paglahok ng bansa sa belt and road initiative ng China.

Mayroon ding inaasahang joint press statements at restricted meeting sina Pangulong Duterte at Chinese President Xi sa Malacañang. Pinakahuli sa schedule ang state banquet para sa Chinese President.

Bukas ng umaga ay makikipagkita si President Xi kina House Speaker Arroyo at Senate President Tito Sotto.

Hapon naman ang inaasahang pag-alis ng Chinese President mula sa Pilipinas.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,