Tatlo na ang naitatalang patay habang nasa dalawang daan ang napaulat na kaso ng dengue sa Baybay City, Leyte.
Ayon kay Mayor Carmen Cari, sa 92 barangay ng Baybay, nasa 40 o halos kalahati na ng mga barangay dito ang apektado ng dengue.
Bunsod nito, nagdeklara ng state of health emergency ang lokal na pamahalaan ng Baybay.
Humingi na rin aniya sila ng karagdagang doktor at espesyalista sa DOH Region 8 upang hindi na ibiyahe sa Tacloban at Ormoc ang mga pasyente.
Hinikayat naman ni Mayor Cari ang mga opisyal ng barangay na makipagtulungan sa City Health Office para sa house to house campaign upang mapalaganap ang mga impormasyon sa pag-iwas sa dengue at magtulungan upang linisin ang kapaligiran ng bawat barangay.
Samantala, ayon sa datos ng Baybay City Health Office, buwan ng Abril at Mayo nag-umpisang tumaas ang kaso ng dengue dito.
Nagpaalala naman ang City Health na kaagad magpakonsulta sa doktor kahit isa o dalawang araw pa lang na nilalagnat at huwag nang hintayin pa na lumala ang kondisyon lalo na kapag bata ang nagkakasakit.
( Archyl Egano / UNTV Correspondent )