State of Calamity sa buong Luzon, pormal nang idineklara ni Pangulong Duterte

by Erika Endraca | November 19, 2020 (Thursday) | 21657

METRO MANILA – Pormal ng idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity sa buong Luzon, sa bisa ng proclamation number 1051.

Kasunod ito ng mga bagyong Quinta, Rolly at Ulysses na nagdulot ng malawakang pinsala sa maraming bahagi ng isla.

Sa pamamagitan ng deklarasyon, mapabibilis ang rescue, relief at rehabilitation efforts ng pamahalaan at pribadong sektor gayundin ang international humanitarian assistance.

Bukod dito, ipatutupad din ang price freeze sa mga pangunahing bilihin at magagamit ng pamahalaan ang kinakailangang pondo para sa pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong residente.

Mananatiling epektibo ang state of calamity declaration hanggang bawiin ito ng pangulo.

Samantala, pormal na ring ipinag-utos ng punong ehekutibo ang pagbuo sa Build Back Better Task Force sa bisa ng Executive Order number 120.

Layon nito na magkaroon ng high-level institutional platform at mas permanenteng grupong tututok sa recovery at rehabilitation phase sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng mga bagyo.

Ang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang chair person sa Build Back Better Task Force.

Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary ang co-chairperson samantalang ang iba pang kagawaran at ahensya ng pamahalaan ang mga miyembro.

Mananatiling oversight ang tanggapan ng punong ehekutibo sa task force at regular itong mag-uulat sa pamamagitan ng executive secretary.

Kukunin naman ang pondo ng post-disaster rehabilitation at recovery program sa mga umiiral nang pondo ng member-agencies ng task force, National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRMC) fund at iba pang funding sources ng Department of Budget and Management.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,