Star City sinadyang sunugin ayon sa BFP

by Erika Endraca | October 7, 2019 (Monday) | 18694

MANILA, Philippines – Lumalabas na arson o sadyang sinunog ang Star City noong Miyerkules (October 2) ng madaling araw base sa mga nakalap na ebidensya ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Kinumpirma ito ng kagawaran matapos magsagawa ng walk-through inspection sa nasunog na Amusement Park Kahapon ng umaga (October 6). Ayon sa fire marshal ng Pasay City na si Superintendent Paul Pili, arson lang ang nakikita nitong sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy sa naturang amusement park.

Kahina-hinala rin aniya ang pagpasok ng isang kinilalang Mr. Wong sa gusali ng Star City bago mangyari ang sunog. Hindi kasi umano nito isinama sa logbook ang pagpasok ng ilang hindi pa nakikilalang tauhan bitbit ang sako-sakong bulak papasok ng establisyimento. May natagpuan din aniyang gasolina ang BFP na hindi nararapat na nakalagay kung saan ito nakita.

Inaalam pa ng BFP kung sino ang gumawa ng panununog at ang posibleng motibo nito. Kasunod nito ay naglabas naman ng pahayag ang pamunuan ng Star City bilang tugon sa inihayag ng BFP.

Wala anila silang nalalamang ano mang motibo maging ang pinansiyal na pakinabang sa pagsadya sa sunog sa amusement park lalo pa’t malakas ang kinikita nito tuwing holiday season. Karaniwan din anila ang pagpasok ng mga bulak sa loob ng gusali dahil ginagamit ito sa paggawa ng mga stuff toy na ibinibenta o ipinapapremyo ng star city.

Gayundin ang natagpuang gasolina na ginagamit sa bumper boat ride na nasa loob ng complex. Ayon pa sa pamunuan ng STAR CITY, hindi angkop ang paghahayag ng BFP sa pagtukoy nito sa sanhi ng sunog dahil hindi pa naman anila tapos imbestigasyon kaugnay sa insidente. Mas nararapat rin anilang isangguni muna ng BFP ang resulta ng inspeksiyon sa Star City Management bago sa mga kawani ng media.

(Asher Cadapan Jr.  | UNTV News)

Tags: