Nagpahayag ng pagka-dismaya ang mga stakeholder ng mining industry sa naging desisyon ni Department of Environment and Natural Resources Sec. Gina Lopez na ipasara at suspindihin ang operasyon ng 23 minahan sa bansa.
Ayon sa Global Ferronickel Holdings, dala ng emosyon ang desisyon ni Sec. Lopez nang makita ang naging epekto ng mining operation sa watersheds at mga bundok.
Paliwanag ng kumpanya, ang nakitang siltation o paglabo ng tubig sa paligid ng minahan ay dahil sa erosion ng lupa sanhi ng sunod-sunod na pagulan, lalo na sa bahagi ng Mindanao.
Ikinagulat rin ng Global Ferronickel Holding ang kanilang pagkakasama sa mga minahang ipasasara dahil sa kanilang pagkaka-alam, pasado sila sa ginawang mining audit.
Ayon naman sa Oceanagold Philippines, maraming katutubo gaya ng mga Ifugao na umaasa sa kita sa pagmimina ang tiyak na maaapektuhan ng kautusan ng DENR.
Nagkaroon din umano ng epekto sa Philippine Stocks Exchange ang anunsiyo ni Sec. Lopez bukod pa sa paggalaw ng presyuhan ng nickel sa world market.
Hanggang ngayon din ay wala pa ring natatanggap na suspension or closure order ang mining companies.
Kaugnay nito, planong rebyuhin ng Minerals Industry Coordinating Council ang desisyon ng DENR na sinuportahan naman ng mining firms.
Ikinatuwa rin nila ang naging pahayag ng palasyo na sundin ang due process sa mga patakaran ng pagmimina matapos silang umapela kay Pangulong Duterte.
Una nang sinabi ni Sec. Gina Lopez na ipinauubaya na sa pangulo ang pinal na desisyon kung ipatutupad ang closure at suspension order sa non-compliant mining firms.
(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)
Tags: inisa-isa ang mga naging epekto ng mine closure at suspension order ng DENR, Stakeholders