Stable na presyo ng mga pangunahing bilihin,prayoridad ng Duterte Admin. sa gitna ng pandemiya

by Erika Endraca | September 7, 2020 (Monday) | 1844

METRO MANILA – Ikinalugod ng Malacañang ang bahagyang pagbaba sa inflation o pagtaas ng presyo ng pangkaraniwang serbisyo’t produkto.

Naitala ang 2.4%  na inflation sa buwan ng Agosto mula 2.7% noong buwan ng July.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dahilan ito sa unti-unti pagbubukas ng ekonomiya ng bansa.

Dagdag pa nito, nananatiling prayoridad ng administrasyong Duterte ang pagpapanatili ng presyo ng mga pangunahing bilihin upang matiyak na walang Pilipinong magugutom lalo na sa panahon ng pandemiya.

Patuloy aniyang nakatutok ang gobyerno sa pagmomonitor ng presyo ng mga produkto sa merkado at titiyaking hindi mapipigilan ang paggalaw at delivery ng mga mahahalagang commodities sa kabila ng mga ipinatutupad na hakbang ng mga lokal na pamahalaan.

Pananatilihin din aniya ng pamalaan ang mga polisiya at programa para sa mga magsasaka at mangingisda para sa pangmatagalang agricultural production sa bansa.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,