SRP sa ilang produktong agrikultura, opisyal na ipapatupad ng DA simula ngayong araw

by Radyo La Verdad | June 25, 2018 (Monday) | 3908

Hindi pa alam ni Aling Nona na tindera ng galunggong sa Nepa Q-Mart sa Quezon City kung ano ang magiging epekto ng paglalagay ng Suggested Retail Price (SRP) sa ilang produktong agrikultura.

Ngayong araw ay nakatakdang ilabas ng Department of Agriculture (DA) ang SRP sa isda, bigas, at mga pangunahing pampalasa na sibuyas at bawang.

Ang regular na bigas ay may SRP na P39 kada kilo, 150/ kilo sa bangus, 100 sa tilapya at 140 sa galunggong.

Ang pulang sibuyas naman ay P95 / kilo habang 75 ang puti, P70 naman sa imported na bawang at P120 ang inani sa bansa.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, maiiwasan na ang pananamantala o profiteering kapag nalagyan na ng SRP sa mga nabanggit ng produkto. Ito aniya ang isa dahilan kung bakit tumataas ang presyo ngayon ng mga produkto.

Pero ayon kay Aling Delia na tindera ng tilapya, nakadepende naman ang paggalaw ng presyo sa supply ng kanilang paninda.

Pabor naman sa paglalagay ng SRP si Aling Jelane na suking namimili ng tilapya.

Ang hamon naman ni Aling Norma na tindera ng bigas, unahin munang busisiin ang presyo ng mga nagsusuply sa kanila.

Maaaring pagmultahin ng hanggang 1 milyon at makulong ang sinomang mapapatunayang lalabag sa anti-profiteering law.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,