SRP sa ilang agri-products, ilalabas na ng DA sa susunod na linggo

by Radyo La Verdad | June 14, 2018 (Thursday) | 3014

Makakaroon na ng batayan ang mga mamimili kung magkano ang dapat na presyo ng ilang produktong agrikultura sa pamamagitang ng suggested retail price (SRP) na ilalabas ng Department of Agriculture (DA) sa susunod na linggo.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, pangunahin sa mga lalagyan nila ng SRP ay ang bigas subalit hindi kasama ang mga fancy o espesyal na klase nito; mga isdang gaya ng bangus, tilapya at galunggong; at maging mga gulay gaya ng petsay at talong.

Pinag-aaralan pa rin ng DA kung lalagyan ng SRP ang mga poultry products gaya ng manok.

Una ng nagsagawa ng konsultasyon ang DA sa mga grupong may kinalaman sa sektor ng agrikultura gaya ng mga producer o magsasaka at mangingisda.

Ayon kay Piñol, hindi dapat tumaas sa 40 piso ang presyo ng kada kilo ng ordinasyong bigas habang ang mas magandang klase o mas buo ang butil ay nasa 40-42 piso lamang.

Sinabi rin ng kalihim na maaaring makulong at magmulta ng hanggang 1 milyong piso ang mapatutunayang magsasamantala o masyadong malayo sa SRP ang presyo ng kanilang produkto.

Inaasahan namang bababa ang presyo ng bigas kapag nakarating na sa merkado ang inangkat ng National Food Authority (NFA).

Ang unang batch ay nasa 250 thousand metric tons o 5 milyong sako ng bigas na mula sa Vietnam at Thailand, habang may 5 milyong sako rin ang susunod na batch na inaasahang darating naman sa Hulyo.

Mabibili parin ito sa halagang 27 at 32 pesos kada kilo.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,