Inilunsad na noong Sabado ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) ang pagpapatupad ng suggested retail price (SRP) sa bigas.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, layon nito na maiayos ang presyo at mapigilan ang mga negosyanteng labis na magpatong ng tubo sa bigas.
Batay sa inaprubahang SRP ng NFA Council, 39 piso ang kada kilo ng imported well milled rice, 43 per kilo naman ang imported premium o PG1 at 40 piso ang PG2.
Ang local regular milled rice, ibebenta na lamang ng 39 piso ang kada kilo. 44 kada kilo ang local well milled na bigas at mabibili naman sa halagang 47 ang isang kilo ng local premium grade na bigas.
Ngunit nangangamba ang ilang retailer dahil marami sa kanilang mga dating stock ang hindi na maaring ibenta lagpas sa SRP.
Ikinatuwa naman ng mga konsumer ang hakbang na ito ng pamahalaan.
Ang sinomang rice retailer na nalalabag sa SRP ay posibleng matanggalan ng lisensya at pagmumultahin ng dalawang libo hanggang isang milyong piso.
Pwera pa ang pagkakakulong ng hindi bababa sa apat na buwan hanggang apat na taon batay sa itinakdang batas.
Bukod sa pagtatakda na SRP, ipinagbabawal na rin ang paglalagay ng iba-ibang mga pangalan sa bigas gaya ng Super Angelica, Sinandomeng, Dinorado, Jasmin Rice at iba pa.
Ang lahat ng mga ito ay pagsasama-samahin na lamang sa iisang kategorya na special rice.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: DA, DTI, SRP sa bigas