SRP ng karne ng manok, inihirit na bawasan ng ilang poultry raisers dahil sa mababang farm gate price

by Radyo La Verdad | April 9, 2015 (Thursday) | 4235

manok-at-baboy

Inihirit ng ilang poultry raisers na bawasan na ang suggested retail price sa kada kilo ng manok sa mga pamilihan.

Ayon sa grupong SINAG o Samahang Industriya ng Agrikultura at United Broiler Raisers Association, mababa na ang farm gate price sa buhay na manok na naglalaro na lamang mula P42 to P52.

Pero ang grupo ng Hog Raisers, mas gustong ipako na lamang sa P185 ang SRP sa kada kilo ng karneng baboy dahil hindi naman umano malaki ang kanilang patong sa farm gate price na umaabot sa P113 to P115.

Umapela rin sila sa pamahalaan na bantayan ang presyuhan ng karne kasabay ng pakiusap sa publiko na huwag tangkilikin ang imported meat products upang huwag mamatay ang local meat industry.

Bukod sa karne, isa rin sa dapat bantayan ngayon ang presyo ng tinapay at asukal.

Noong nakaraang buwan, sinabi ng Department of Trade and Industry na bababa ng 25 hanggang 50 centavos ang presyo ng pinoy tasty at pan de sal dahil sa incoming supply ng mas murang turkish flour.

Pero ayon sa Bakers Group, hindi nila maibaba ang presyo dahil mahal pa rin ang kuha nila sa harina sa merkado na umaabot sa P850 hanggang P900 kada sako.

Inaalala rin nila ang iba pang sangkap ng tinapay gaya ng asukal na tumataas rin ang halaga kapag tag-init dahil sa malaking demand nito.

Tags: , ,