Spectrum management reform, isusulong ng Kamara upang mapaganda ang serbisyo ng 3rd telco player

by Radyo La Verdad | January 24, 2018 (Wednesday) | 2522

Isusulong ng Kongreso ang isang spectrum management reform upang mapaganda ang serbisyo ng papasok na 3rd Telco player sa bansa, ito ang naging pahayag ng information and communications technology expert na si Pierre Tito Galla sa isinagawang pagdinig ng Kongreso kaugnay sa pagpasok ng bagong telco player sa bansa.

Ayon kay Galla, wala ng natirang 2G frequency para sa papasok na 3rd telco player dahil naubos na ito ng dalawang malaking telco

Sa pamamagitan ng spectrum management reform, mabibigyan ng 2G signal service ang papasok na ikatlong telco player. Ang 2G signal ang siyang frequency na ginagamit ng mga cellphone upang makapagtext at makatawag.

Ayon kay Galla, may kapangyarihan ang National Telecommunication Commission o NTC na magpatupad ng spectrum management reform. Subalit mas magiging malakas ito kung magkakaroon ng batas para ipatupad ang reporma.

Ayon naman sa NTC walang dapat ipag-alala ang 3rd telco player. Nito lamang nakaraang taon, nag-phase out ang Singapore ng 2G signal.

Ayon kay DICT OIC Eliseo Rio, hindi kalaunan ay posibleng ma-phase out narin ang 2G sa Pilipinas at 3G signal na ang gagamitin para salahat ng mobile phone user sa bansa. Sa ngayon, kalahati ng populasyon ng mga mobile user sa bansa ay gumagamit pa rin ng 2G signal.

Subalit ayon sa DICT, kailangang bayaran ng 3rd telco ang nagastos ng mga telecom companies kung kukuha sila ng frequency.

Sa February 19 ay isasapinal na ng DICT ang selection process at makakapili na ng ikatlong telco player sa bansa.

Sa March 27 at 28 naman i-aaward ng DICT ang frequency sa mananalong telco habang sa 3rd quarter ng 2018 ay operational na ang telco sa Pilipinas.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,