Bubuoin ni Justice Sec. Leila De Lima ang isang special team na magsasagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay ng kaso ni Mary Jane Veloso.
Layunin ng grupo na alamin ang iba pang mga detalye at kasukasuhan sa mga naging pahayag ni Mary Jane nang kuhanan siya ng statement ng PDEA noong nakaraang Marso 31 sa Indonesia kung saan sinabi nga niya na nabiktima lang siya ng mga pangyayari dahil sa kaniyang recruiter na si Maria Kristina Sergio.
Sa isang press conference kanina, ikinuwento ng kalihim na gumawa siya ng sulat sa mga otoridad sa Indonesia at humiling ng temporary retrieve para kay Mary Jane upang makapagsagawa sila imbestigasyon at hingan pa ng detalye si Veloso ukol sa iba pang isyu kabilang ang nasa likod na sindikato ng droga na nagpadala sa kaniya ng bagahe na may lamang heroine.
Dagdag pa ni De Lima, iginagalang ng Indonesia ang proseso ng hustisya sa ating bansa kung kaya’t hindi pa itinuloy ang pagbitay kay Mary Jane kung kaya’t nais nilang bigyan ng mas malawak na atensyon ang kaso nito.(Jerolf Acaba/UNTV Radio)
Tags: DOJ, Leila De Lima, Mary Jane Veloso