Isa sa nakikitang solusyon upang mapaluwag ang mabigat na trapiko sa Edsa ay ang huwag nang padaanin dito ang mga provincial buses upang makabawas sa dami ng sasakyang nagsisiksikan sa kalsada.
Dahil dito, itinayo ang Southwest Integrated Terminal Exchange o SWITex sa Parañaque City na inaasahang matatapos sa darating na Abril. Ang naturang proyekto ay kabilang sa Build Build Build program ng kasalukuyang administrasyon.
Ang may apat na ektaryang terminal ang kauna-unahang intermodal terminal sa bansa na mag-aacommodate ng mga commuter na galing ng Cavite, Laguna, Batangas at Quezon.
Ayon kay Transportation Undersecretary Thomas Orbos, malaking tulong ang SWITex sa paggaan ng trapiko sa Edsa.
Magbibigay ito ng easy access sa mga pasahero galing Southern Luzon sa iba’t-ibang pampublikong sasakyan gaya ng LRT Line 1, jeep, UV express at mga city buses papuntang inner Metro Manila.
Tiniyak naman ni Metropolitan Manila Development Authority Chairman Danilo Lim na magiging maalwan ang mga pasahero at mga drivers ang itinatayong terminal.
Plano rin ng administrasyon na maglagay pa ng isa pang ganitong uri ng terminal sa Sta. Rosa, Laguna at iba pang keypoints sa bansa.
( Rajel Adora / UNTV Correspondent )
Tags: EDSA, provincial buses, SWITex