Source code review tuloy na sa susunod na linggo

by Radyo La Verdad | October 8, 2015 (Thursday) | 1569

MARLON-GARCIA
Sa pagsisimula ng filing ng Certificate of Candidacy sa susunod na linggo, uumpisahan na rin ng Comelec ang local review sa source code ng mga makinang gagamitin sa 2016 elections.

Ang source code ang computer program na nagdidikta kung paano gagana ang vote counting machines, ang election management system at ang consolidation and canvassing system na gagamitin sa darating na halalan.

Walong grupo na ang nagpahayag ng interes na lumahok sa proseso na kinabibilangan ng Liberal Party, United Nationalist Alliance o UNA, Nacionalist Peoples Coalition, Unang Sigaw, Bagumbayan, Lakas CMD, PPCRV at Cenpeg.

Ayon sa Comelec, sa pamamagitan nito makikita kung may kuwestiyunableng code ang election system at kung gagana ang mga makina ng ayon sa programa.

2 bahagi ang isasagawang local source code review.

Una ang review sa base code o original program ng mga makina at ang ikalawa ay sa sa customized source code na inayos upang umakma sa halalan sa Pilipinas.

Pitong buwan tatakbo ang source code review, mas mahaba kumpara noong 2010 na wala pang isang buwan at noong 2013 na 4 na araw lamang.

Bukod sa walong grupo, may dalawang I.T. groups din na inirekomenda ng Comelec Advisory Council ang kasama sa source code review.

Ang mga puna at suhestiyon ng mga reviewer ay pag-uusapan kung nararapat bang isama sa sistema.

Sinimulan na rin kamakailan ang review sa source code ng isang International Certification Entity at inaasahang mailalabas ang certified customized code sa huling bahagi ng disyembre o unang bahagi ng Enero.

Paglilinaw ng Comelec ang customized code na sinertipikahan ng International Certification Company ang ilalagay sa mga makinang gagamitin sa darating na halalan ngunit kailangan ding magkaroon ng local source code review sang ayon sa itinatakda ng batas at upang maging transparent ang gagamiting election system.

Mahigpit ang ipatutupad na seguridad sa Dela Salle University sa Maynila kung saan gagawin ang review process.

Kakapkapan ang mga papasok dahil bawal magdala ng gadgets sa loob ng kwarto upang hindi makopya ang program na pag aari ng Smartmatic at may CCTV din sa palibot upang mamonitor ang galaw sa loob.

Ayon sa Smartmatic kahit malantad sa ibang tao ang source code malabo itong ma- hack dahil sa mga nakalagay na security layers . ( Victor Cosare / UNTV News )

Tags: