Songs for Heroes 3 benefit concert para sa mga sundalo sa Marawi city, inihahanda na ng UNTV, AFP at PNP

by Radyo La Verdad | August 31, 2017 (Thursday) | 4007

Halos buong mundo ang nagluksa sa pagkasawi ng SAF 44 noong Enero a bente singko, dos mil kinse. Mapait man ang kanilang sinapit, palagi pa rin nating magugunita ang kanilang kagitingan. Naging daan ang “Songs for Heroes”, isang benefit concert upang maiparamdam natin ang ating suporta sa mga kaanak ng 44 SAF troopers na nagbuwis ng buhay sa Maguindanao.

Pagkatapos ng mahigit sa tatlong buwan, ito ay sinundan ng Songs for Heroes 2 na nagbigay naman ng suporta sa mga namumuno sa hanay ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.

At ngayong 2017, isang konsyerto ang muling itatanghal ng UNTV, alay sa kabayanihan ng ating mga sundalo at pulis na nakipagbakbakan sa Marawi City.

Kahapon sa Camp Aguinaldo ay inilatag na ang petsa at lugar na pagdarausan ng benefit concert. Ayon kay Deputy Chief of Staff for Civil-Military Operations Maj. Gen. Melquiades Feliciano, magkakaroon sila ng audition sa unang linggo ng Setyembre para sa mga sundalo at pulis na nais na lumahok sa concert.

Gayunman, hindi na aniya sila mahihirapan na kumuha ng mga performer dahil may mga de-kalibreng mang-aawit sa bawat unit ng AFP maging sa PNP. Ngayon pa lamang ay sumasaludo na ang heneral sa panibagong tulong ng UNTV sa mga tinaguriang “peacekeeper” ng bayan.

Bukod sa mga singing soldiers at policemen & women, ang Songs for Heroes 3 ay lalahukan din ng mga sikat na mang-aawit sa bansa. Gaganapin ang concert sa Smart Araneta Coliseum sa Oct. 17.

 

(Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,