SONA 2018: Ikatlong ulat ng pangakong pagbabago

by Jeck Deocampo | July 24, 2018 (Tuesday) | 4730

 

MANILA, Philippines – Itinakda ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ika-apat ng hapon, Hulyo 23, 2018. Ngunit matapos ang gulo sa liderato ng Kongreso mula umaga, naantala ang SONA ng mahigit isang oras—mas mahaba pa sa aktwal na talumpati ng Pangulo na tumagal lamang ng 47 minuto at 55 segundo.

Nagsimula ang SONA sa tapat na 5:21 ng hapon at nagtapos sa ganap na 6:09 ng gabi. Sa kanyang pambungad na bati, binanggit ng Pangulo si Congressman Pantaleon Alvarez bilang Speaker of the House, habang binati naman nito si Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo kasabay sa hanay ng mga dating presidente. Tinalakay ni Duterte ang kanyang mga gustong ipasa bago matapos ang taon o ang kanyang termino. Mapapansin na halos hindi nagbanggit ang Pangulo ng mga nagawa ng kanyang administrasyon.

Ayon sa Punong Ehekutibo, magpapatuloy pa rin ang laban sa droga sa ilalim ng kanyang administrasyon. Isinaad din niya ang kanyang nakatakdang pagpirma sa Bangsamoro Organic Law sa loob ng susunod na 48 oras, matapos niya itong mapag-aralang maigi. Ilan pa sa mga naitalakay ang Coconut Levy trust fund, kontraktuwalisasyon, National Land Use Act, TRAIN Law, cash transfer funds, at Universal Health Care Bill.

Kapansin-pansin naman ang kawalan ng malalim na diskusyon tungkol sa charter change o federalismo na gustong ipasa ng Pangulo. Tinapos ni Duterte ang kanyang talumpati matapos nitong sabihin na ang opisyal na ulat sa nagawa ng administrasyon sa nagdaang taon ay ilalabas sa mga susunod na araw.

 

Ulat ni Marmeelyn Sinocruz | SR – DLSU
Kuha ni Kenji Hasegawa | Photoville International