Solusyon sa napipintong krisis sa pagkain, tinalakay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kasama ang DA officials

by Radyo La Verdad | July 5, 2022 (Tuesday) | 6065

METRO MANILA – Paghahanda sa posibleng pagkakaroon ng kakulangan ng pagkain sa bansa ang nais unahing tugunan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon sa punong ehekutibo, naghahanda ang buong mundo sa napipintong food crisis sa mga susunod na buwan.

Ilan sa mga produktong nais ng pangulo na padamihin ay ang bigas, mais, baboy at manok.

Ikinokonsidera ng pangulo ang programang Masagana 150 at Masagana 200 kung saan mas marami ang aanihin sa kada ektarya ng pananim na palay kung matutugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka.

Nais din ng presidente na pagandahin pa ang iba pang programa ng kagawaran gaya ng kadiwa store kung saan mabibili ang mga produktong agrikultura sa mas mababang halaga.

Nanghingi din ito ng rekomendasyon mula sa mga opisyal ng da kung may dapat bang baguhin o dapat pa bang manatili ng Rice Tariffication Law.

Kung sakali aniyang may kautusan o panukalang batas ay ipagbigay-alam lamang ito sa kanya maging ang kakailanganing dagdag na pondo.

Pinabubuo rin ng pangulo ang mga opisyal ng da ng plano para palakasin ang agrikultura sa bansa sa mga susunod na taon.

Naniniwala si Marcos na makagagawa ng malaking pagbabago sa agrikultura sa kanyang termino.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,