SOJ Aguirre: Mga nahukay sa Laud quarry, ‘di tiyak kung buto ng tao o hayop

by Radyo La Verdad | March 7, 2017 (Tuesday) | 2664


Hindi itinanggi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang sinabi ni Retired Police Arthur Lascañas na naging abogado siya noon ni Bienvenido Laud, ang may-ari ng quarry site kung saan umano inilibing ang mga biktima ng Davao Death Squad.

Ngunit ayon sa kalihim, hindi na dapat paniwalaan ang mga sinasabi ni Lascañas dahil wala namang napatunayan sa alegasyon nang imbestigahan ito ng Department of Justice at Commission on Human Rights sa pangunguna ng dati nitong pinuno at ngayo’y senador na si Leila de Lima.

Katunayan, wala aniyang isinampang demanda noon ang CHR.

Iginiit rin ni Sec. Aguirre na dati nang ginawang libingan ng mga guerilla ang lugar noong panahon ng Hapon kaya hindi nakapagtatakang may mahukay na mga buto doon.

Sa panig naman ng administrasyon, sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na imbento lang ang testimonya ni Lascañas sa Senado hinggil sa Davao Death Squad.

Gaya aniya nang ipinunto ni Senador Panfilo Lacson sa pagdinig, kontradiksyon ang mga pahayag ni Lascañas noong February 20 press conference at sa sinumpaan nitong salaysay isang araw bago ang kaniyang public confession.

Pinabulaanan din ni Atty. Panelo ang pahayag ni Lascañas na ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagpatay sa isang ginang at isang bata.

Aniya, kinapopootan ng pangulo ang extra-judicial killing at naniniwala siyang hindi kukunsintihin ng pamahalaan ang sinumang gagawa ng ganitong krimen.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,