Soft launch ng free wi-fi access sa ilang lugar sa Q.C. at Maynila, isasagawa ngayong araw

by Radyo La Verdad | July 24, 2015 (Friday) | 1022

dost-facade
Isasagawa ngayong araw ang soft launch ng libreng wi-fi internet access sa ilang pampublikong lugar sa Quezon City at Maynila.

Magkakaroon ng libreng wi-fi sa Quezon City Memorial Circle, Quezon City Hall, Philippine Coconut Authority building, SSS at LTO headquarters sa Quezon City at Rizal Park sa Maynila.

Layunin ng Department of Science and Technology (DOST) at ng Information and Communications Technology Office na mabigyan ng internet access ang mga munisipalidad na class 3, 4, 5 at 6.

Target ng programa ang 99% connectivity sa 3rd quarter ng 2015.

Simula rin ngayong araw hanggang sa araw ng Martes ay may pagkakataon ang publiko na subukan ang test ride ng hybrid bus at hybrid trains ng DOST.

Binuksan ngayong araw dito sa SMX Convention Center sa Pasay ang exhibit ng DOST kaugnay ng pagdiriwang ng National Science and Technology Week.

Tampok sa naturang event ang mga teknolohiyang ginawa ng ibat-ibang ahensya sa ilalim ng DOST kabilang ang hybrid train, forecast at astronomical instruments ng PAGASA at earthquake simulator ng PHIVOLCS.

Dinaluhan ito ng mga estudyante at science enthusiasts na mula pa sa ibat ibang lugar sa bansa.

Kabilang sa panauhin sa opening ceremony si DILG Sec Mar Roxas at DOST Sec. Mario Montejo.(Rey Pelayo/UNTV Correspondent)