Social media, major platform ngayon sa pangangampanya – eksperto

by Jeck Deocampo | February 14, 2019 (Thursday) | 14922
Ikinukunsiderang major platform ngayon ang social media sa pangangampanya ng mga kandidato para sa 2019 midterms elections. Larawan mula sa Pexels.com

METRO MANILA, Philippines – Kasabay ng pagsisimula ng campaign period ay ang paglipana ng mga poster, tarpaulin at iba pang pakulo ng mga kandidato. Kapansin-pansin na rin ang paglitaw ng pangalan at mukha ng mga kandidato maging sa social media.

Ayon sa founder ng Social Media Academy na si Nix Eniego, dahil sa popularidad at kalayaang magpahayag sa mga ito, nagiging takbuhan na ng publiko at ngayon nga pati ng mga pulitiko at kandidato ang social media platforms.

Bentahe rin ang pagkahumaling o paglalaan ng publiko ng maraming oras online lalo na sa mga tumatakbong kapos sa budget.

Isang halimbawa nito ay ang pagkapanalo ni Pangulong Rodrigo Duterte noong May 2016 elections.

Kahit kulang sya sa pinansyal na aspeto sa pangangampaya, madami naman siyang taga suporta sa social media.

“For me ngayon, social media is really word of mouth marketing on steroids so amplified lahat ng ginagawa mo. So ‘yang kay President Duterte kitang-kita natin before ‘yung support sa kanya sa social media,” ani Eniego.

Base sa datos ng Department of Information and Communications Technology (DICT), tinatayang nasa 34 milyon ang smart users sa Pilipinas ngayong taon. Kalahati ng bilang na ito ay pinapalagay na mga rehistradong botante.

Bukod sa mura ang gagastusin sa social media, mas madali rin ang information dissemination lalo kung maraming followers ang isang account user.

Paliwanag ni Eniego, “Kapag ako natuwa (at) nagustuhan ko…nakita ko sa Facebook, I will share it to others. Kapag sa dulong province kanino niya ikwento, dalawa lang sila. Eh ako five thousand friends ko, tapos siya (ay may) five thousand friends din, sobrang grabe ‘yung mass effect na nangyayari.”

Ngunit muli namang nagpaalala ang political analyst na si Maria Mendoza na hindi dapat magpadala sa kung ano ang nakikita sa mga campaign platforms. Mas mainam pa rin na kilalanin at kilatising mabuti ang isang kandidato.

(Grace Casin | UNTV News)

Tags: , , , , ,