Sniper hole na ginawa ng suspek sa pagpatay kay Mayor Halili, posibleng diversionary tactic lang – PNP

by Radyo La Verdad | July 4, 2018 (Wednesday) | 8068

Hindi isinasantabi ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na diversionary tactic lang ang nakitang sniper hole na sinasabing pinuwestuhan ng gunman ni Tanauan City Mayor Antonio Halili.

Ayon kay Calabarzon Police Director Chief Superintendent Edward Carranza, may posibilidad aniya na ginawa lang ito ng mga suspek upang ilihis ang imbestigasyon.

Kaugnay nito ay sinabi ni Caranza na magsasagawa sila ng reenactment sa crime scene bukas upang malaman ang trajectory ng bala na pumatay kay Halili at ang pinagpwestuhan ng killer. Sa ngayon ay nakatutok sa dalawang anggulo ang PNP, ang iligal na droga at pulitika.

Sinabi ni Carranza na lumabas sa crime laboratory na downward trajectory ang bala na tumama kay Mayor Halili kung saan hindi ito tumagos sa katawan ng alkalde.

Ayon sa PNP, 5.56mm ang ammunitition mula sa standard na m16 o m14 na baril ang ginamit sa pag-asinta sa local chief executive.

Samantala, muling nanawagan ang anak ni Mayor Halili na imbestigahan ang iba’t-ibang anggulo sa posibleng dahilan ng pagpatay sa kanyang ama.

Hinikayat din ni Angeline si Pangulong Duterte na tulungan na lang silang resolbahin ang kaso kaysa maglabas ng mga masasakit na pahayag laban sa kanyang ama.

Sa darating na Linggo na ang nakatakdang ilibing ni Mayor Halili.

 

( Japhet Cablaida / UNTV Correspondent )

Tags: , ,