Smartmatic, ipinadidismiss ang cybercrime case na isinampa ng kampo ni Sen. Bongbong Marcos

by Radyo La Verdad | June 17, 2016 (Friday) | 3071

VICTOR_SMARTMATIC
Dapat umanong i-dismiss ng piskalya ang mga reklamong paglabag sa Republic Act 10175 o mas kilala bilang anti-cybercrime law na isinampa ng kampo ni Senador Bongbong Marcos laban kina Smartmatic Executive Marlon Garcia, Smartmatic Project Director Elie Moreno, Smartmatic Technical Support Team Member Neil Banigued, at Smartmatic Personnel Mauricio Herrera; kasama si COMELEC IT Officer Rouie Penalba at ang mga COMELEC personnel Nelson Herrera and Frances Gonzalez.

Sinampahan sila ng illegal access, data interference at system interference dahil sa hindi otorisadong pagpasok ng bagong program sa transparency server ng COMELEC noong araw ng halalan.

Sa kanyang isinumiteng counter-affidavit, iginiit ni Marlon Garcia ng Smartmatic na hindi sapat ang mga ebidensiya upang kasuhan sila sa korte.

Sa ilalim aniya ng anti-cybercrime law, dapat intensyonal at layong manira ng isang tao upang siya ay makasuhan.

Kayat hinihiling niya sa Manila Prosecutor’s Office na madismiss ang mga kaso.

Hindi pa nababasa ng kampo ni Marcos ang sagot ng Smartmatic ngunit mahirap anilang depensahan ang ginawa ni Garcia.

Hindi rin umano maaaring idahilan na wala naman silang masamang intensyon sa pagbabagong ginawa sa script ng transparency server.

Bukod kay Garcia, nagsumite na rin ang ibang mga respondent ng kanilang kontra salaysay sa mga akusasyon ng kampo ni Marcos.

Tanging si Mauricio Herrera ng Smartmatic na lamang ang hindi nakapagbibigay ng kanyang sagot sa mga akusasyon dahil nasa labas umano ito ng bansa.

Nangako naman ang kanyang mga abogado na magbibigay ng kopya ng kanyang kontra salaysay sa susunod na linggo.

Itinakda ng prosecution panel ang susunod na pagdinig sa July 4 upang bigyan naman ng pagkakataon ang kampo ni marcos na magsumite ng karagdagang ebidensiya at argumento.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , ,