Smartmatic, iginiit na masyado nang gipit ang panahon upang ipatupad ang pag imprenta ng voter’s receipt

by Radyo La Verdad | March 11, 2016 (Friday) | 2830

VICTOR_SMARTMATIC
Nagbabala ang automated election system provider na Smartmatic na posibleng magresulta sa failure of elections kung ipatutupad ang pag imprenta ng voter’s receipt para sa mga botante sa darating na halalan.

Sa sulat ni Smartmatic Project Director Elie Moreno sa Comelec en banc sinabi nito na kailangang hilingin ng poll body sa Korte Suprema na ireconsider ang naunang desisyon na magbigay ng resibo sa mga bontante dahil kakapusin na sa panahon kung ipatutupad ito.

Ilan sa sinabing dahilan ng Smartmatic ay kailangang baguhin ang trusted build source code ng mga Vote Counting Machine upang makapag imprenta ng resibo.

Kailangan ding i-upgrade ang printer/cutter ng mga VCM upang maiwasan ang paper jam at printer failure na kapag nangyari ay makaka apekto rin sa operasyon ng mga makina.

Kailangan din ang re- training at re -certification sa Board Of Election Inspector o BEI.

Mangangailangan din ng karagdagang tauhan na mag-aayos sa mga printer/cutter sa araw ng halalan.

Dapat ding magkaroon ng massive voter education campaign upang maipaliwanag ang feature na mag imprenta ng resibo ang VCM at kailangang ding maiayos ang proseso sa presinto upang maiwasan ang gulo.

Sa taya ng Smartmatic, sa 800 botante bawat clustered precinct, posibleng madagdagan ng 20 oras ang voting period dahil sa pag imprenta ng resibo.

Ayon kay Moreno kung mabibigyan ng pagkakataon, kaya nilang maipaliwanag sa Korte Suprema na ang markadong balota ay pasado na sa hinihingi ng batas na voter verified paper audit trail at hindi na kailangan ang voter’s receipt.

Nanindigan din ang Smartmatic na binalaan na nila ang Comelec sa mga posibleng magiging problema kapag nag imprenta ng resibo kaya hindi dapat ito isisi sa kanila kung pumalpak ang eleksyon dahil dito.

Ngunit para sa Comelec sapat na sana ang onscreen verification upang maberipika ng botante kung binasa ng tama ng makina ang kaniyang boto kaya hindi na kailangan sana ang resibo.

Ayon kay Comelec Commissioner Arthur Lim, madaming issues ang kailangang maresolba kung mag iimprenta pa ng resibo.

Aniya masyadong gipit na ang panahon para dito lalo at maraming kailangang ayusing problema upang maipatupad ang printing ng voter’s receipt.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: ,