Smartmatic, handang makipatulungan sa imbestigasyon kaugnay sa pagbago ng script ng transparency server

by Radyo La Verdad | May 18, 2016 (Wednesday) | 2237

KAREN-JIMENO
Sinabi ng Smartmatic na hindi na kailangan pang maglabas ng hold departure order para sa kanilang mga opisyal dahil wala namang balak umalis ng Pilipinas ang mga ito.

Reaksiyon ito ng Smartmatic sa inilabas na memorandum ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon na hinihiling sa en banc na pigilan ang pag alis sa bansa ng mga empleyado at opisyal ng Smartmatic habang hindi pa tapos ang imbestigasyon sa ginawang alteration sa script ng transparency server.

Ayon kay Atty. Karen Jimeno, tagapagsalita ng Smartmatic, handang makipagtulungan ng mga opisyal ng kumpanya sa anumang isasagawang imbestigasyon.

Sa isyu naman ng breach of protocol, ayon kay Jimeneo, bago husgahan ang Smartmatic na may nilabag na panuntunan, dapat maging malinaw muna kung may umiiral nga bang protocol ang COMELEC pagdating sa minor changes gaya ng mga typographical error.

Kung sakali aniyang mayroon, nais nitong malaman kung ano ang parusa kapag nalabag ito.

Depensa ng tagapagsalita ng Smartmatic, hindi nila magagawa ang correction sa program ng transparency server nang hindi alam ng COMELEC Information and Technology Department.

Giit ni Atty Jimeno, may kasama silang mga tauhan ng COMELEC na ayusin ng project manager ng Smartmatic na si Marlon Garcia ang pagbabago.

Binigyang diin pa ng Smartmatic na sumusunod lamang sila sa guidelines ng COMELEC.

(Victor Cosare/UNTV NEWS)

Tags: ,