Smart Communications, tiniyak na hindi  maapektuhan ang serbisyo sa kabila ng closure order

by Radyo La Verdad | February 28, 2023 (Tuesday) | 1096

METRO MANILA – Kahit pa pinatawan ng closure order upang pahintuin ang operasyon sa main office building ng Smart Communications Incorporated sa Makati City, nangako naman ang telecom giant na hindi maaapektuhan nito ang kanilang serbisyo sa kanilang mga subscribers

Sa kanilang opisyal na pahayag, mananatili anilang available at accessible ang kanilang serbisyo

Nangako rin ang Smart na magko-comply sila sa local tax ordinance ng Makati City at mga batas pambansa na may kinalaman sa local taxation.

Kahapon (February 27), pinuntahan ng mga operatiba ng Makati LGU ang headquarters ng Smart Communications sa 6799 Ayala Avenue Barangay San Lorenzo, Makati City.

Batay sa statement na inilabas ng Makati City goverment sinasabing pinatawan ng closure order ang Smart Communication Incorporated dahil sa kawalan nito ng business permit mula pa noong taong 2019.

Nagkaroon anila ng paglabag ang kumpanya sa sa revised Makati Revenue Code o sa City Ordinance Number 2004-A-025.

Bukod pa rito ay aabot na rin anila sa nasa P3.2-B ng franchise tax ang umanoy hindi nito binabayaran mula pa noong January 2012 hanggang December 2015.

2016 nang magsagawa ng examination ang Office of the City Treasure kung saan natuklasan ang umanoý P3.2-B na franchise tax na hindi binabayaran ng telecom company.

Pinagsusumite umano ang Smart Communications ng breakdown ng revenue at mga buwis na binayaran nito sa lahat ng kanilang branches sa buong bansa, subalit tumanggi umano ang kumpanya na magprisenta ng kanilang mga dokumento.

Sinasabing may mga kaso nang inihain laban sa telecom giant na kalaunan ay pinagtibay ng Court of Tax Appeals.

Ayon sa Smart, naghain na sila ng kaukulang legal remedy, at naghihintay pa ng desisyon hinggil sa inihaing kaso.

Patuloy rin anila silang makikipag-ugnayan sa Makati LGU upang maresolba ang isyu.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: