Muling inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang pagnanais na maihinto ang operasyon ng pagmimina sa buong bansa.
Ginawa ng punong ehekutibo ang pahayag sa situation briefing sa epekto ng Bagyong Ompong sa La Trinidad, Benguet kagabi.
Subalit ayon sa Pangulo, kinakailangang ang Kongreso ang mismong magpawalang bisa sa mining laws.
Marami ang nasawi at marami pa rin ang nawawala nang matabunan ng gumuhong lupa ang bunkhouses ng mga minero sa Itogon, Benguet sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ompong.
Kasunod nito, ipinag-utos ni Environment Secretary Roy Cimatu na itigil muna ang lahat ng operasyon ng small-scale mining sa buong Cordillera Administrative Region (CAR).
Kabilang na ang mga pinagkalooban ng permit na lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng minahang bayan. Ang mga tauhan na ng militar at pulisya ang inatasang magpatupad nito.
Samantala, tiniyak naman ng pamahalaan na magbibigay ng ayuda sa daan-daang manggagawang maaapektuhan ng pagpapatigil ng mga minahang ito.
Karamihan din anila sa mga minero ay sa Ifugao nanggaling kaya hihikayatin na silang bumalik sa kanilang probinsya o hahanapan sila ng ibang relocation.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: CAR, mining operations, Sec. Cimatu