Sketch ng isa sa mga suspek sa pagdukot sa Samal Island, inilabas ng Special Investigation Task Group

by Radyo La Verdad | September 23, 2015 (Wednesday) | 1314

CHIEF-SUPT--FEDERICO-DULAY
Patuloy nang tinutugis ng binuong task force ang grupong nasa likod ng pagdukot sa tatlong dayuhan at isang pilipino sa isang beach resort sa Camudmud, Babak District sa Samal Island.

Ayon kay Chief Superintendent Federico Dulay ng Special Investigation Task Group, sa ngayon ay may nabuo na silang sketch ng isa sa mga suspek batay sa nakuha nilang inisyal na impormasyon.

Ayon kay Dulay, nasa pagitan ng edad 25 to 30 ang lalaki, 5’3 ang height at mayroong dark complexion.

Sa ngayon ay naka-alerto na ang lahat ng puwersa ng pulisya at militar sa Davao City, pati na rin sa mga kalapit-probinsya na Davao Oriental at Compostela Valley.

Sa CCTV footage ng resort, makikita ang pagpasok ng nasa labing-isang armadong kalalakihan sa resort bandang alas-onse y medya noong lunes ng gabi.

Nakita rin sa video ang pagtangay ng mga lalaki sa tatlong dayuhan kasama ang isang pilipina.

Sa ngayon ay bini-beripika na ng task group ang mga natatanggap nilang ulat hinggil sa natagpuang dalawang abandonadong motorbanca sa Davao Oriental na posible umanong ginamit ng mga suspek.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa police at military units sa paggalaw ng ilang armadong elemento sa ibang probinsya.

Pinag-aaralan na rin ng mga otoridad ang mode of operation ng grupo at kung may pagkakatulad ito sa signature ng Abu Sayyaf at New People’s Army.

Wala rin pa silang natatanggap na anumang tawag, sulat o video na nanghihingi ng ransom para sa mga biktima.

Habang isinasagawa ang pursuit operations, mas hinigpitan naman ang seguridad sa mga beach resort sa Samal Island, pati na rin sa Talomo at Sasa Areas upang maiwasang maulit ang insidente.

Sa panig naman ng Canadian Government, sinabi nitong nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine Authorities para sa impormasyon sa kinaroroonan ng mga dinukot.

Tags: , ,