Pinuri ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Pilipinas ang pag-ratipika ng kongreso sa panukalang batas na magbibigay ng mga karagdagang benepisyo sa mga mahahalal na SK official.
Sa pahayag ng SK, sakaling maaprubahan ang House Bill 10698 at Senate Bill 2124 na mas kilala bilang SK Empowerment and Compensation Bills, mas mahihikayat ang mga kabataan na lumahok sa mga public service bilang mga susunod na lider ng bansa.
Sa ilalim ng House Bill 10698, mabibigyan ang mga SK kagawad ng honorarium, allowances at civil service eligibility kasama din ang mga secretary at treasurer.
Pinapalawig din ng reporma ang mga tungkulin ng SK sa pagsasagawa ng mga skills training, youth employment, environmental protection, values education, at iba pang programang tututok sa pagprotekta ng mga kabataan.
Inoobliga rin ng batas na ito na dapat ay may finance or accounting background ang mga SK treasurer at nararapat na maghalal ang bawat lokal na pamahalaan ng isang local youth development officer na siyang makikipag-ugnayan sa mga gawain ng SK.
Dagdag pa ng grupo, ang pagpasa ng SK Compensation bill ay mas magpapaigting sa kahalagahan ng partisipasyon ng SK sa lahat ng panukala ng pamahalaan para sa kabataan.
(Rachel Reanzares | La Verdad Correspondent)