Siyam na pulis na sangkot sa Mandaluyong shooting incident, nakapagpiyansa

by Radyo La Verdad | January 22, 2018 (Monday) | 2914

Nakapagpiyansa ng mahigit isang daang libong piso ang siyam na pulis na sangkot sa pamamaril sa mga sakay ng isang AUV noong December 28, 2017 sa Mandaluyong City na ikinasawi ng dalawa at ikinasugat ng 2 iba pa.

Ang siyam na pulis ay sina PO2 Lemuel Songalia, PO1 Airel Uribe, Jave Arellano, Tito Danao, Mark Castillo, Julius Libuen, Bryan Nicolas, Albert Buwag, at Kim Rufford Tibunsay para sa dalawang counts ng homicide at dalawang counts rin ng frustrated homicide na nakasampa laban sa kanila.

Ngunit ayon kay Eastern Police District o EPD Deputy Director for Operations, Senior Superintendent Florendo Quibuyen, surety bond ang binayaran ng mga nasabing pulis.

Ngunit hindi pa tuluyang makakalaya ang mga ito dahil matapos makapagpiyansa, i-tinurnover ang mga pulis sa National Capital Region Police Office o NCRPO.

Nasa floating status pa rin ang mga ito at nasa restrictive custody ng Regional Personnel Holding at Accounting Unit ng NCRPO habang naghihintay ng arraignment sa kanilang kaso sa Regional Trial Court 211 sa susunod na buwan sa posibleng kasong administratibo at kriminal na isasampa laban sa kanila.

Ang kanila namang team leader na si Senior Inspector Maria Cristina Vasquez ay nasa custody ng Mandaluyong City Police at  nakatakda ang kaniyang preliminary investigation mamaya.

Samantala, nakapagpiyansa na rin ang dalawang tanod ng barangay Addition Hills na sina Wilmer Duron at Gilbert Gulpo na kapwa mayroong kinakaharap na kasong dalawang counts ng homicide at frustrated homicide.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,