Siyam na bus terminals sa Edsa, ipinasara ng MMDA dahil sa sari-saring mga paglabag

by Radyo La Verdad | August 18, 2017 (Friday) | 3150

Personal na dinala kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Chair Danny Lim ang closure order sa siyam bus terminal sa Edsa matapos makitaan ng sari-saring paglabag.

Isa dito ang Amihan Bus Lines, na ayon sa MMDA ay walang business permit at hindi sumusunod sa ordinansa ng Quezon City. Hindi naman itinanggi ng bus line ang pagkukulang. Ang katabing Philtranco, noong una ay nanindigan pa na kumpleto sila ng dokumento.

Pero nanindigan ang MMDA na walang sanitation permit, fire safety inspection certificate, locational clearance certificate ang naturang terminal.

Pinuna naman ng MMDA ang tangke ng diesel sa terminal ng First North Luzon Transit, na anila ay maaring maging sanhi ng sunog sa lugar. Maliban sa mga ito, apat na iba pang terminal ang ipinasara dahil rin sa iba’t-ibang paglabag.

Nagreklamo naman ang ilang pasahero dahil sa aberyang idinulot ng operasyon. Mananatiling nakasara ang mga bus terminal na ito hangga’t hindi pa sila nakakakuha ng mga kailangang permit at maipakita ang kanilang pagsunod sa batas.

 

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,