Sitwasyon sa Negros Oriental, balik na sa normal; Martial Law sa lalawigan, hindi pa kailangan – PNP

by Erika Endraca | August 6, 2019 (Tuesday) | 1283

MANILA, Philippines – Kontrolado na ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang security situation sa Negros Oriental.

Ayon sa PNP balik na sa normal ang sitwasyon sa lugar kaya hindi pa kailangang isailalim sa martial law sa lalawigan.

“Wala po dapat ikabahala ang ating mga kababayan, maaari po silang tumuloy sa kanilang mga normal na gawain sa pang araw araw, sa kalakalan, turismo at negosyo” ani PNP Spokesperson, PBGen. Bernard Banac.

Matatandaang una ng sinabi ng malakanyang na balak ng pangulo na isailalim sa batas militar ang negros oriental dahil sa sunod sunod na karahasan doon.

Umabot na sa 21 ang nasawi kabilang ang 4 na pulis na pinaslang ng mga hinihinalang miyembro ng New Peoples Army (NPA). Samantala unti- unti nang nahuhuli ang mga suspek na pumatay sa 4 na pulis sa Ayungon, Negros Oriental noong July 18.

Unang naaresto si Victoriano Bangala Anadon Jr., noong July 19 at sinampahan na ito ng kasong murder. Illegal possession of firearms and explosives naman ang isinampang kaso Kina Edgar Amaro at Jojo Ogatis na nahuli noong weekend.

Sinabi pa ni Banac na may 3 pang naaresto sa Cebu ngunit inaalam pa nila kung may kinalaman ang mga ito sa pagpaslang sa apat na pulis. Sinabi pa ni Banac na tuloy ang pagtugis sa iba pang suspek na kabilang sa 11 pinangalanan ng PNP.

“Lahat ng may sala, may gawa ng krimen at pagpatay ay papanagutin natin sa batas ang ating Pulis Regional Office 7, maging ang elemento ng Philippine Army ay patuloy na nagsasagawa ng hot pursuit operations, pagtutugis sa mga suspects” ani PNP Spokesperson, PBGen. Bernard Banac.

Pinag-aaralan pa ng PNP kung kanino ibibigay ang 5 milyong pisong pabuya na inilaan ng pangulo sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga suspek sa pagpatay sa 4 na pulis.

(Lea Ylagan | Untv News)

Tags: ,