Sistema sa pagbibigay ng voucher program, nilinaw ng DepEd

by Radyo La Verdad | April 26, 2016 (Tuesday) | 5938

Ngayong naguumpisa na ang enrollment sa ilang eskwelahan para sa mga estudyanteng papasok sa senior high school, ipinaliwanag ng Department of Education ang ipinatutupad nilang sistema hinggil sa pagbibigay ng voucher program sa lahat ng mga mag-aaral na nakapagtapos ng grade 10.

Ang voucher program ay isang proyekto ng DepEd na magbibigay ng pinansyal na tulong samga estudyanteng papasok sa senior high school.

Sa pamamagitan ng voucher,magkakaroon ng discount ang isang estudyante para sa kanyang tuition fee at iba pang school fees para sa senior high.

Paliwanag ng DepEd, tanging ang mga grade 10 graduates lamang na nasa private school at hindi sakop ng education service Contracting o ESC, ang kinakailangan na magapply sa voucher program.

Ito ay dahil automatiko ng bibigyan ng voucher ang mga estudyanteng nagsipatapos sa public school at maging ang mga magaaral sa pribadong eskwelahan na dati ng ginagastusan ng DepEd.

Aabot ng mula sa 8,750 hanggang sa 22,500 pesos ang halaga ng voucher na maaring ibigay sa isang estudyante depende sa lokasyon ng eskwelahan na mapipili.

Sa kabuoan nasa mahigit labing dalawang bilyong piso ang inilaang budget ng DepEd para sa voucher program.

Sa ngayon nasa mahigit limampung libong estudyante na ang nabigyan ng voucher.
Habang nasa mahigit pitumpung libo pang grade 10 ang inaasahan ng DepEd na magaapply sa programa.

Subalit nilinaw rin ngayon ng kagawaran na hindi lahat ng mga paaralan na may senior high school ay tumatanggap ng voucher.

Ayon sa DepEd, depende pa rin ito sa desisyon ng pamunuan ng eskwelahan.

Sa kasalukuyan ay patuloy na tumatanggap ang ahensya ng aplikasyon para sa lahat ng mga nagnanais na makapag avail ng voucher program.

Binigyang diin rin ng kagawaran na tanging sa online lamang maaring mag-apply ang isang estudyante.

Tatagal ang voucher application hanggang sa May 6, habang inaasahan namang ilalabas ang resulta ng mga maaprubahan sa May 20.

Nakatakda namang magbukas ang klase sa lahat ng public school sa elementary at high school sa June 13.

(Joan Nano/UNTV NEWS)

Tags: , ,