Sistema ng transportasyon sa bansa, patuloy na pinaghuhusay ng pamahalaan ayon sa Malacañang

by Radyo La Verdad | December 29, 2015 (Tuesday) | 5104

JERICO_MRT
Determinado ang pamahalaan na mapahusay ang sistema ng transporstasyon sa bansa ayon sa Malacanang.

Ginawa ng Malacanang ang pahayag matapos batikusin ng mga kritiko ang dating pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III na magpapasagasa ito at si DOTC Sec. Jun Abaya sa tren sakaling hindi mangyayari ang sinabi nitong LRT line Cavite extension project.

Taong 2013 nang sinabi ito ng Pangulo sa kaniyang talumpati sa mga taga cavite.

Ayon kay presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., unawain na alang ang konteksto ng sinabi ng Pangulo.

Nang sabihin aniya ito ng Pangulo ay binubuo pa lang ang bidding sa proyekto at ginawa naman aniya ang nararapat subali’t hindi lang na-anticipate na may ilang dahilan para maantala ito.

“Isa sa mahalagang elemento na pinag-uusapan diyan ay ‘yung ridership forecast, ilan ba talaga ang sasakay diyan, kasi ‘yon ‘yung magdidikta ‘nung iba pang mga planning parameters, kung anong klaseng istasyon, ilang mga bagon ang kasama doon. Hindi naman kasi ganoon kadali ‘yung pagbubuo ng isang major project kaya sana ay maunawaan na ginawa naman ang nararapat pero hindi na-anticipate na ganoon karami ‘yung magiging dahilan para maantala ito.” pahayag ni Coloma.

Subali’t sa ngayon ay natapos na aniya ang nasabing proseso at na -award na ito noong Sept. 2015 sa pangangasiwa ng consortium ng Ayala Metro Pacific sa pakikipagtulungan ng Macquarie Investment.

Ito na rin aniya ang magsasagawa ng operations at maintenance ng LRT Line 1 mula Monumento hanggang Baclaran at magsasagawa ng disenyo.

Gayundin aniya ang pagtatayo ng extensyon mula Baclaran hanggang Bacoor.

Meron din aniyang ikatlong segment ang proyekto mula Bacoor hanggang Imus at pagkatapos ay hanggang Dasmariñas Cavite na nailahad naman na aniya ng DOTC kamakailan.

Hindi naman masabi ng Malacanang kung kailan ito matatapos subalit tiniyak naman nito na mauumpisahan na ang proyekto dahil naipagkaloob na ito sa naturang consortium.

(Jerico Albano / UNTV Radio Reporter)

Tags: , , , ,