Sistema ng isasagawang Automated Elections sa Mayo, ipinakita na ng Comele sa publiko

by Radyo La Verdad | March 23, 2022 (Wednesday) | 5248

METRO MANILA – Ipinakita ng Commission on Elections (COMELEC) kung paano tumatakbo ang sistema ng automated elections.

Kasama ng komisyon ang mga kinatawan ng political party, citizen arms, local source code reviewers at kawani ng media.

Sa simula, binuksan ang vote counting machine at nag-print ng initialization report.

Dito malalaman kung walang naka-pre-programmed o may resulta na ng halalan na nasa vote counting machine (VCM).

Pagkatapos nito, ay nagsimula na ang pagboto ng mga representative ng iba’t ibang grupo o stakeholder.

May mga sinadya na nag-overvoting, minali ang pagshade ng balota at ang mismong QR code ang initiman sa halip na ang bilog katabi ng pangalan ng kandidato at saka ipinasok ang balota sa VCM.

Ang resulta , ni-reject o hindi tinanggap ng VCM ang balota.

Ayon kay Commissioner George Erwin Garcia, mahalaga ito para malaman kung talagang gumagana ng tama ang makina.

Pagkatapos bumoto ay nagkaroon ng canvassing ng election returns.

Mabilis o maayos ang canvassing ng mga boto o walang anomang glitch na naranasan.

Sa kabila nito, aminado ang Comelec na sa araw na mismo ng eleksyon maaaring may aberya pa rin na mararanasan partikular sa VCM o makina.

Ito ay dahil mas maraming VCM ang gagamitin at ang bilang ng mga botante ay marami na rin.

Ngunit tiniyak naman ng komisyon na may mga nakahanda silang hakbang para matagumpay na maisasagawa ang eleksyon.

Halimbawa kung may problema sa VCM, may mga tauhan ang Comelec na dumaan sa training para ayusin ito.

Bukod dito may mga back up din na makina sa pag-transmit ng election returns, may mga broad global access network (BGAN) partikular sa mga liblib na lugar para mapadala ito sa mga server tulad provincial hanggang central server.

Pagdating sa seguridad ng towers ng mga telco, partikular na babantayan ng otoridad ang nasa mindanao dahil sa nakaraang halalan na may binomba pa ng mga masasamang grupo.

Tiniyak din ng Comelec nasisiguraduhin nilang may sapat na suplay ng kuryente sa araw ng eleksyon.

Magkakaroon pa ng final testing and sealing ang mga vote counting machine sa darating na May 2-7, 2022 o 2 araw bago ang halalan.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,