Sira-sirang IP school, pinagtitiisan ng mga katutubong mag-aaral sa Zamboanga City

by Radyo La Verdad | June 11, 2018 (Monday) | 3899

Butas na sahig at mga bubong, kulang sa mga upuan, ibang gamit, wala ring tubig at ilaw. Ilan lamang ito sa mga tinitiis ng mga mag-aaral na Badjao, sa kanilang silid-aralan sa Tahik Bihing Primary School sa Zamboanga City.

Bukod pa ito sa sirang tulay na araw-araw ay dinadaanan ng mga estudyante papunta sa paaralan. Maging ang mga guro ay dumadaing na rin sa sitwasyon ng paaralan.

Sa kabila nito, matiyagang pumapasok ang mga mag-aaral kahit na walang baon, uniporme at gamit pang-eskwela.

Ang Tahik Bihing Primary School na ang ibig sabihin ay paaralan sa tabi ng dalampasigan ay binuksan noong 2016.

Mayroon lamang itong 89 na mag-aaral sa simula ngunit ngayon ay umabot na sa 223 ang nag-aaral dito mula kindergarten hanggang grade 2 na tinuturuan ng apat na guro.

Ang mga Badjao ay kabilang sa indigenoues people na ang pangunahing ikinabubuhay ay pangingisda.

Sa ngayon, nanawagan ang mga guro sa pamahalaan at iba NGOs na sana ay maipagawa ang paaralan.

Nangangilangan din aniya sila ng mga karagdagang guro bagamat hirap na makaintindi ng tagalog at ingles, tinityaga ng mga guro na turuan ang mga ito upang matulungan silang maabot ang pangarap na makatapos ng pag-aaral.

 

( Dante Amento / UNTV Correspondent )

Tags: , ,