Singil sa tubig tataas kapag ginamit na source ang Manila Bay – Maynilad

by Erika Endraca | March 4, 2020 (Wednesday) | 5578

METRO MANILA – Kaunting panahon na lamang at muli na namang papasok ang panahon ng tag-init.

Kaya’t pinangangambahang maulit ang problema sa kakulangan sa suplay ng tubig sa Metro Manila.

Sa ngayon patuloy pa rin ang pagbaba ng water level sa Angat dam na pangunahing nagsu-sulay ng tubig sa kalakhang Maynila.

At dahil aabutin pa ng maraming taon bago matapos ang ipinapagawang mga dam, ipinapanukala ngayon ng Department of the Environment and Natural Resources (DENR) na gamitin ang Manila Bay bilang karagdagang mapagkukunan ng tubig sa Metro Manila.

Pero ayon sa Maynilad, malabo pa itong mangyari sa ngayon dahil kinakailangan munang magkaroon ng desalination plant na siyang maglilinis sa tubig sa Manila Bay at dapat na may pahintulot mula sa MWSS.

Ayon sa Maynilad magiging magastos sa kuryente ang desalination plant sa Manila Bay dahil na rin sa kalidad ng tubig dito.

Paliwanag ng water concessionaire, posibleng abutin ng P50 per cubic meter ang operating cost sa desalination na lubhang mataas kumpara sa P4  per cubic meter na ginagastos sa Laguna Lake.

Magreresulta anila ito sa mas mataas na singil sa tubig.

“Kung sakali mang aaprubahan ay tataas yung taripa na aming masisingil sa mga customer kaya ito po’y hindi pa namin napag-agreehan ng mwss na gamitin” ani Maynilad Water Supply Operations Head, Ronald Padua.

Para naman sa Manila Water, kailangan pa ng masusing pag-aaral tungkol dito pati na ang epekto nito sa ekonomiya.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: