Singil sa kuryente, tataas ngayong buwan

by Radyo La Verdad | August 8, 2018 (Wednesday) | 5340

Magkakaroon ng dalawang sentimo kada kilowatt hour na dagdag-singil sa bill ng mga Meralco customers ngayong buwan ng Agosto.

Ibig sabihin, ang isang sambahayan na kumokunsumo ng 200kw kada buwan ay magkakaroon lamang ng mahigit 5.00 na dagdag sa kanilang bill at mahigit labing 3.00 naman sa 500kw na kunsumo kada buwan.

Ayon sa Meralco ang dahilan nito ay ang pagtaas rin ng generation charge. Bagaman nakapagtala ng mataas na 5.7% inflation ngayong Hulyo, na off set ang dagdag-singil dahil sa mababang halaga ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Samantala, nanatili pa ring pumapangalawa ang Pilipinas sa may pinakamahal na singil sa kuryente sa buong Asya.

Pinakamahal ang kuryente sa Japan na nasa mahigit 12.00 kada kilowatt hour habang sa Pilipinas ay nagkakahalaga naman ng halos 9.00 kada kilowatt hour, sinusundan ito ng Singapore na may halos 9.00 rin, sunod ang Hongkong at Thailand na may mahigit 6.00 kada kilowatt hour.

Ayon kay Dr. John Morris ng International Energy Consultants at isang energy expert, mababa ang singil sa kuryente sa ibang bansa dahil sa may subsidiya ito mula sa kanilang pamahalaan. Kabilang na dito ang Thailand, Indonesia, Malaysia, Korea at Taiwan.

Umaabot ang subsidya sa mga bansang ito sa 800 bilyong US dollars taon-taon. Kung magpapasya ang pamahalaan na i-subsidize ang kuryente sa bansa, mangangailangan ng 120 bilyong piso na pondo para dito.

Suhestiyon ni Morris, upang mapababa ang singil sa bansa ay ang pagpapatayo pa ng mas maraming power plant. Mas maraming kompetisyon sa Merkado, mas mura ang magiging singil sa kuryente.

Sinabi naman sa Meralco na walang magiging epekto ang implementasyon ng TRAIN 2 sa singil sa kuryente sa susunod na taon.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,