METRO MANILA – Muling tataas ang singil sa kuryente ng Manila Electric Company (MERALCO) ngayong Disyembre sa Ikatlong sunod na buwan.
Sa anunsyo ng MERALCO,tataas ng P0.30 per kilowatt hour ang singil sa kuryente ngayong buwan.
Ibig sabihin kung ang isang customer ay kumokonsumo ng 200 kilowatt hour, P61.00 ang madadagdag sa babayarang bill. P91.00 sa kada 300 kilowatt hour, P122.00 kung 400 kilowatt hour, at P152.00 naman kapag umabot ng 500 kilowatt hour ang nagamit na kuryente.
Paliwanag ni Joe Zaldarriaga ang tagapagsalita ng MERALCO, ang dagdag singil ay epekto ng ilang serye ng yellow alert sa luzon dahil manipis o limitado ang suplay ng kuryente dahilan upang tumaas ang presyo nito sa spot market.
“Kasi kapag yung supply situation natin more than adequate wala tayo yung mga tinatawag na forced outages, yellow alerts or red alert status normally prices sa market eases up in terms of the overall rates pero kapag nagkakaroon tayo ng mga sudden outages, unscheduled na nagreresulta sa yellow or red alerts kapag tinignan mo yung historical data talagang nagkakaroon ng pressure for prices to go up in the market”ani Meralco Spokesperson, Joe Zaldarriaga.
Bukod sa yellow alert, nakaambag rin sa dagdag singil ang pagtaas ng generation charge at iba pang mga buwis. Sa monitoring ng MERALCO, lumalabas na 6 na beses na nagpatupad ng bawas-singil sa kuryente, at 6 na beses rin ang dagdag singil.
Subalit kung susumahin bumaba ng P0.32 ang singil sa kuryente sa kabuoan ngayong 2019. Samantala, naiayos na ng MERALCO ang lahat ng mga nasirang poste ng kuryente matapos ang pananalasa ng Bagyong Tisoy.
Sa ngayon ay patuloy ang kanilang pwersa sa pagtuwang sa iba pang mga lugar sa Bicol na nasalanta ng bagyo upang maibalik na ang suplay ng kuryente.
“We have sent a contingent to Bicol to assist aleco in it’s postal restoration as you know yung mga kababayan po natin sa Bicol ang pinakamabigat na tinamaan ng bagyo, so nandito ang MERALCO para tumulong matapos naming mabalik na sa normal ang amin pong prangkisa” ani Meralco Spokesperson, Joe Zaldarriaga.
Sa ngayon wala pa ring suplay ng kuryente ang malaking bahagi ng Bicol Region, dahil sa dami ng posteng nasira sa pagdaan ng Bagyong Tisoy.
(Joan Nano | UNTV News)
Tags: Meralco