Madaragdagan ang halaga ng babayarang bill sa kuryente ng mga consumer ng MERALCO ngayong buwan.
92-sentimo kada kilowatt hour ang sisingiling generation charge ngayong Pebrero o katumbas ng 184-pesos para sa mga kumu-konsumo ng 200 kilowatt hour kada buwan; 276 pesos naman ang madaragdag sa bill ng may 300 kilowatt hour consumption, 368 pesos para sa 400 kilowatt hour at 460 naman sa 500 kilowatt hour kada buwan.
Ayon sa MERALCO, bumalik lamang sa normal ang singil sa kuryente matapos ang one time big time rollback na ipinatupad noong Enero na dulot ng tinatawag na annual outage allowance.
Subalit kung ikukumpara sa mga nagdaang taon, hindi nagkakalayo ang halaga ng generation charge ng buwan ng Pebrero ng 2015, 2016 at ngayong 2017.
Upang maibsan ang bigat sa mga consumer, hiniling ng MERALCO sa Energy Regulatory Commission na gawing utay-utay o hatiin sa tatlong buwan ang paniningil sa 91-centavos na power rate hike.
Pinayuhan naman ng MERALCO ang publiko na magtipid sa kuryente at kung maaari ay limitahan ang paggamit ng aircon.
Mas maigi ring CFL o Compact Fluorescent Lamps ang gamitin sa halip na incandescent bulb, at i-unplug ang mga appliance na hindi naman ginagamit.
Sa mga nais magpakabit ng prepaid electricity, tumawag lamang sa MERALCO hotline number 1622-7737.
(Mon Jocson / UNTV Correspondent)