Singil sa kuryente ng Meralco, tataas ngayong buwan ng Marso

by Radyo La Verdad | March 11, 2022 (Friday) | 8529

METRO MANILA – Tumaas ang generation charge sa mga bill ng kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) dahil sa mataas na bentahan ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Bunsod nito, nasa 63 centavos kada kilowatt hour ang madaragdag sa singil sa kuryente ng Meralco ngayong buwan ng Marso.

Katumbas ito ng P13 na dagdag bayarin sa mga residential na kumukonsumo ng 200-kilowatt hour.

Habang karagdagang P19 sa kumukonsumo ng 300-kilowatt hour, P25 sa 400-kilowatt hour at P31 sa 500-kilowatt hour.

Nilinaw naman ng Meralco na hindi pa rin tiyak kung magkakaroon muli ng dagdag singil sa Abril at mga kasunod na buwan.

“The rates for April will be a different situation because we still need to wait for the conditions in the March supply month before we are able to determine what will be actual—what the actual rates in April and we also need to wait for the billings that will come from our suppliers.” ani Meralco Spokesperson/Head of Corporate Communications, Joe Zaldarriaga.

Samantala, nananatiling sapat ang supply ng kuryente para sa darating na tag-init.

Ngunit maaari pa ring magkaroon ng yellow alert sa abril habang posible namang magkaroon ng red alert sa Mayo.

Bunsod nito maaaring magpatupad na ng rotational brownout sa ilang lugar.

Ngunit kung mananatiling walang unscheduled plant outages ay sapat ang supply ng kuryente hanggang matapos ang eleksyon.

Sa kabila nito, tiniyak ng Meralco na handa sila sa ano mang posibleng mangyari lalo pa sa araw ng halalan sa May 9.

“Mayroon din kaming contingency measures in place sakaling magkaroon ng problema. These include among others—and I think engineer Geluz can expound on that—dispatching our crews in strategic areas, having mobile generator sets available in case of outages and really prepping up our facilities and our manpower including our business centers.” ani Meralco Spokesperson/Head of Corporate Communications, Joe Zaldarriaga.

Upang maiwasan ang lalong pagnipis ng supply ng kuryente, payo ng Meralco sa mga consumer na magtipid sa paggamit ng mga electrical equipment at appliances.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: