Singil sa kuryente ng Meralco, tataas ngayong buwan

by Radyo La Verdad | November 7, 2019 (Thursday) | 12893

METRO MANILA, Philippines – Matapos ang serye ng bawas-singil sa kuryente sa mga nakalipas na buwan, tataas ng 47 centavos per kilowatt hour ang singil ng Meralco ngayong Nobyembre. Ibig sabihin madadagdagan ng 94 pesos ang babayarang bill ng mga customer na kumokonsumo ng 200 kilowatt hour sa isang buwan. 142 sa kada 300 kilowatt hour, 188 pesos kung 400 kilowatt hour. Habang 235 pesos naman kapag 500 kilowatt hour ang konsumo ng kuryente.

Paliwanag ng Meralco, ang dagdag-singil sa kuryente ay bunsod ng pagtaas ng presyo ng kuryente sa spot market na epekto ng ilang beses na yellow alert at pagpalya ng ilang planta sa Luzon grid.

Malapit na rin anilang maubos ang refund sa mga customer na inutos ng Energy Regulatory Commission na nakatulong sa pababa ng singil sa kuryente sa mga nakalipas na buwan.

“Noong September nandun po yung buhos nung net settlement surplus refund na inutos ng ERC sa Philippine Electricity Market Corporation kaya malaki naging pagbaba sa singil sa kuryente noong Setyembre na umabot sa mahigit 50 centavos per kilowatt hour ngayon since wala na yan or very minimal nalang yung impact nyan ngayong Nobyembre natin naramdaman yan,” ani Joe Zaldarriaga, Spokesperson, Meralco.

Sa ngayon hindi pa masabi ng Meralco kung magtutuloy-tuloy ang dagdag singil sa kuryente hanggang sa susunod buwan.

Subalit malaki anila ang posibilidad na bumaba muli ang singil sa Disyembre kung saan mas bumababa ang konsumo sa kuryente ng mga customer dahil unti-unti nang lumalamig ang panahon.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,