Singil sa kuryente ng Meralco, tataas ngayong buwan

by Radyo La Verdad | November 8, 2018 (Thursday) | 7980

Notice of disconnection mula sa Meralco ang sumalubong sa pamilya lambino sa Cubao, Quezon City ngayong linggo. Ang kanilang konsumo noong nakaraang buwan-umabot ng 464 kilowatts per hour.

Kaya ngayon, hirap silang bunuin ang 5 libong pisong bill dahil sa dami ng gastusin. Pero mas nalungkot si Nanay Evelyn nang marinig ang balitang tataas ang singil sa kuryente ng Meralco ngayong buwan. 11 sentimo kada kilowatt hour ang madadagdag sa bill ng Nobyembre ng mga customer ng Meralco.

Ibig sabihin, 23 piso ang madadagdag sa mga kumokonsumo ng 200 kilowatt hour kada buwan at 45 piso naman sa mga umaabot ng 400 killowatt ang konsumo sa isang buwan.

Kaya naman umisip si Evelyn para makatipid sa pamamagitan ng hindi na paggamit ng plantsa. Pati daw ang paggamit nila ng aircon sa gabi, babawasan na rin ng kanilang mag-anak.

Pero ayon sa Meralco, nitong nakaraang 2 buwan, 25 sentimos ang kabuoang ibinaba ng singil sa kuryente kaya mas mababa ang 11 sentimong na itataas sa singil ng kuryente ngayong buwan.

Ilan pa sa dahilan ng power rate hike ay ang bahagyang pagtaas ng generation charge, buwis at iba pang charges.

Pero dahil sa pagbaba ng presyo ng langis, ayon sa Meralco ay posibleng bumaba ang singil sa kuryente sa mga susunod na buwan.

Pero payo ng Meralco sa mga konsyumer, ugaliing magtipid sa paggamit ng kuryente.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,