Madalas na kakulangan sa supply ng kuryente, maaaring magpataas sa presyo ng kuryente – MERALCO

by Radyo La Verdad | August 5, 2016 (Friday) | 6749

KURYENTE
Muli na namang isinailalim sa red alert ang buong Luzon ngayong araw.

Maraming mga planta ang bumagsak kabilang na ang Calaca Unit 2, Malaya Unit 1, Pagbilao Unit 2, SLTEC Unit 1, at ang Ilijan power plant.

Patatakbuhin sana ang Malaya subalit hindi itinuloy dahil may problema rin ang naturang planta.

Kaninang alas dos ng hapon ay mahigit 200mw ang naging kakulangan sa supply.

Ayon sa MERALCO maaari itong maka apekto upang tumaas ang singil sa kuryente.

Inutusan na ng MERALCO ang mga kasapi sa interruptible load program na patakbuhin na ang kanilang mga generator upang makatulong sa supply.

Subalit kulang pa rin ito, kayat nagdesisyon na ang MERALCO na magpatupad ng 2 hanggang 3 oras na rotational brownout.

Kabilang sa rotational brownout ang ilang mga bayan sa Cavite, Batangas, portion ng Bulacan, Caloocan City, Las Piñas City, Manila City, ilang bahagi Balintawak, Greater Fairview, Novaliches, San Bartolome, San Jose at Tandang Sora sa Quezon City; at ilang bahagi ng Valenzuela.

Nagpapatupad ng rotational brownout ang MERALCO upang mapataas ang supply ng kuryente.

Ito na ang ika-siyam na pagkakataon na nagkaroon ng kakulangan sa supply ng kuryente sa Luzon simula noong July 26.

Mag-iimbistiga naman ang grupong Bayan Muna dahil sa madalas na pagkakaroon ng yellow alert at red alert sa buong Luzon grid.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , ,