Wala nang mararamdamang bawas sa babayarang bill sa kuryente ang mga customer ng Manila Electric Company ngayon buwan. Paliwanag ng kumpanya, natapos na nitong Agosto ang tatlong buwang iniutos ng Energy Regulatory Commission sa Meralco na magbigay ng refund sa mga customers dahil sa kanilang sobrang nakolekta mula January 2014 hanggang December 2016.
Ayon sa kumpanya, sa isang residential consumer na kumukunsumo ng 200 kWh sa isang buwan, aabot sa 530 pesos ang nababawas sa kanilang bill mula Hunyo hanggang Agosto.
Kasabay nito inanunsyo rin ng Meralco na tataas ang singil sa kuryente ngayong Setyembre. 86 centavos per kWh ang dagdag singil na ipapataw ng Meralco. Ibig sabihin madadagdagan ng 173 pesos ang bill ng isang sambahayan na kumukonsumo ng 200 per kWh.
Ang taas singil ay dulot din ng pagtaas ng presyo sa spot market dahil sa mataas na demand sa kuryente sa Luzon noong Agosto na sinabayan pa ng pagbaba ng halaga ng piso.
Payo naman ng Meralco sa kanilang mga customers, magtipid sa paggamit ng kuryente upang makatulong na mabawasan ang bill na babayaran.
(Leslie Longboen / UNTV Correspondent)